18 December 2011

Neigh Kid Pee Pole

Isa ako sa mga mapalad na walang klase nang maganap ang The Great Oblation Run noong ika-15 ng Disyembre 2010. Ang Oblation Run ay taunang isinasagawa ng Alpha Phi Omega o APO Fraternity. Nakatatak sa mga damit ng mga miyembrong hindi tatakbo ang mga katagang “who bought who bad too mock boo” (hubo’t hubad tumakbo). Ayon sa APO Fraternity, ang Oblation Run daw ay “the ritual dance of the brave.” Kapag matapang ka, ikaw ay malaya. Ito ang ipinapahiwatig ng higit sa labinlimang lalakeng pumarada ng hubo’t hubad sa Palma Hall Lobby ng UP Diliman, Miyerkules nang tanghaling tapat.


Bago mag-umpisa ang pagtakbo ng mga frat boy, nagtanghal muna ang KONTRAGAPI na ginagawa ang kanilang makakaya upang makakuha ng atensyon, gayong alam naman ng lahat na ang hinihintay ng mga tao ay ang parada ng mga ulong may takip at mga ulong wala. Iba-ibang grupo ng mga tao ang nandoon, hindi lang mga iskolar ng bayan. Dinadayo ang kaganapang ito maging ng mga tagapagbalita, lalo na ng mga bading na ang pakiramdam ay tila bang langit ang pinuntahan, mga baklang maririnig mong sumasambit ng, “Ang Portugal naman” (Ang tagal naman.).

Kinuhanan ko ng video ang Oblation Run. May isang nakahubad na bigla na lamang inangat ang kanyang maskara upang ipakita ang kanyang mukha sa katabi ko sa hindi malamang kadahilanan. Ang iba naman ay hindi na nag-abalang magtakip ng kanilang mukha, tila ba gustong ipaalam sa lahat na matapang silang ibuyangyang ang kanilang mga sandata at natutuwa pang pinagnanasaan sila hindi lamang ng mga babae kundi higit sa lahat ay mga bakla. Hindi ko lubos maisip kung bakit mayroon ding nanonood na mga lalake.

Nang pinanood ko ang video, napansin ko ang isang freshman na babae (nakita kong 2010 ang nasa ID niya) na hindi nakatingin sa ari, o puwet, ng mga lalakeng tumatakbo. Nakatuon ang atensyon niya sa mga rosas na hawak ng mga pumaparada. Tila ba napakalaking karangalan ang makatanggap ng bulaklak mula sa hubad na lalakeng hindi niya kakilala. Sa huli ay pinaglaruan siya ng isang pumarada; kunwari ay ibibigay na sa babae ang rosas ngunit bigla naman itong hinablot nang kukunin na niya. Naging napakamakapangyarihan ng mga lalake sa iilang minuto na iyon. Hawak nila ang oras at may mga bodyguard pa.

Oras na nakauwi ako ng bahay, in-upload ko sa YouTube ang dalawang video na nakuhanan ko, dalawa dahil naka-dalawang ikot sila sa Palma Hall kung saan may naligaw pang nakahubad na lalake. Wala pang isang oras, kulang-kulang tig-200 views na ang dalawang video. Halos puro mga bading ang nagkomento na masarap daw ang kanilang napanood. Nagkaroon din ako ng kauna-unahang subscriber sa YouTube channel ko. Hindi ko mawari kung matutuwa ba ako o hindi sa rebelasyong iyon lang pala ang kailangan ko para sumikat ang YouTube page ko; marami na akong ginawang video pero wala namang tumitingin ng mga ito.

Nang tingnan ko muli ang mga video kinabukasan, tinanggal na ito ng YouTube. Hindi raw ito nararapat ipakita sa madla. Nang ikwento ko ito sa tatay at tito ko, nagalit pa sila sa akin dahil hindi naman daw talaga dapat ipinagkakalat ang mga ganoong klaseng video. Samantala, ang nanay ko naman ay natawa lang dahil ipinamahagi pa naman niya ang link ng video sa mga kaibigan niya sa Facebook.

Kalayaan ang pakay na ilunsad ng Oblation Run, ngunit ito ay kalayaan lamang para sa mga personal na nakakapanood nito. Kapag ibinalita na ng midya, hindi na sila malaya. May takip na ang mga lakas-loob nilang ipinakita. Nawawala na ang saysay ng kalayaan pagkatapos ng iilang minutong pagtakbo. Wala nang makakaalala pagkalipas ng ilang araw. Lanta na rin ang mga rosas. Wala nang magbabalita. Wala ng silbi ang paghuhubad.

(written December 2010 for Pan Pil 17 (Pop Culture) under Prof. Elyrah Salanga)

No comments:

Post a Comment