14 May 2012

Pagtuya sa Sineng Walang Sining

Isang librong inilathala noong isang taon lamang ang aking napiling pag-aralan. Nilikha ito ng isa sa mga pinakamabentang Pilipinong manunulat ng aming henerasyon. Ang “Lumayo Ka Nga SaAkin” ni Bob Ong ay hindi isang nobela. Ito ay nakasulat sa istruktura ng isang iskrip ng pelikula o palabas sa telebisyon. Nahahati ang libro sa tatlo: ang “Bala sa Bala Kamao sa Kamao Satsat sa Satsat,” ”Shake Shaker Shakest,” at “Asawa Ni Marie.” Ang mga kuwento ay maituturing na films within films o films within a book kung saan mismong ang mga karakter ang pumapansin sa palpak na pagkakasulat ng iskrip. Tinutuya rito ang mga pelikulang Pilipino at mga artistang kabilang dito, partikular na ang mga action, horror at romantic movies.

Sa pabalat pa lamang ng libro, mayroon na itong kinukutya. Ito ay kulay rosas, may puso at locket, at may isang pares ng mukha ng lalake at babaeng magkaharap. Base sa mga nabanggit, halatang imitasyon ito ng Precious Hearts Romances—isang serye ng mga librong puro romansa at kahalayan ang laman na walang ginawa kung hindi paasahin ang mga Pilipino na kakaiba at ubod ng drama ang istorya ng pag-ibig. Sinisimbolo rin ito ng mga larawan ng rosas na nasa likod ng libro. Ang pamagat na “Lumayo Ka Nga Sa Akin” ay parody ng isang librong naging teleserye, ang “Lumayo Ka Man Sa Akin.” Maaaring sabihing ang babaeng gigil na gigil kagatin ang labi ng lalakeng takot sa kanya ay pagpapakita ng kaibahan sa ugali ng mga kababaihan. Kung dati ay tinuturuan ang mga Pilipina na maging konserbatibo, sa panahon ngayon ay babae na mismo ang humahabol at nagpapakita ng motibo sa mga lalake upang sila ay mapansin.

Ang “Bala sa Bala Kamao sa Kamao Satsat sa Satsat” ay tungkol kay Diego, isang action star na sa umpisa pa lamang ay namatayan na ng mapapangasawa at pamilya nang lusubin ng mga bandido ang kanyang kasal. Sa susunod na eksena, ipinakita si Diego na mas piniling palaging pumila at sumali sa game show na “Pag-asenso, Iasa sa Swerte!” kaysa maghanap ng trabaho. Sumunod naman ang eksena kung saan ipinakilala si Ron-Ron, Momoy, Dodoy at Mrs. Jimenez. Sa eksenang ito ay puro kabalahuran lamang ang nangyari—pagpapakita ng pangkaraniwang paggamit ng slapstick sa mga komedya. Samantala, makikilala ni Diego si Divina, isang artistang galit sa mga nagmamaliit sa mga Pilipino ngunit nageendorso ng pampaputi ng balat. Magiging drayber siya nito at sa iilang minutong magkasama, sila ay nagkagustuhan. Nang tumirik ang kotse habang umuulan, sila ay tumungo sa isang kubo na may bathtub kung saan naganap ang hindi maiiwasang sex scene. Pagdating sa airport, napagpalit ang mga maleta ni Divina at ng mga bandido. Dahil dito, kinidnap si Divina. Ililigtas niya ito at matatalo niya ang labing-isang bandido. Pagkatapos ng sagupaan ay saka darating ang mga pulis. 

Ang “Shake Shaker Shakest” na kumukutya sa serye ng pelikulang “Shake, Rattle and Roll” ay tungkol sa pamilya ng mag-asawang Mang Carlos at Aling Cora. Nasiraan ng sasakyan ang pamilya sa harap ng isang haunted house. May sumpa ang charger ni Mang Carlos. Sinapian ito ng isang Pilipinong manunulat na galit sa pamilya ni Mang Carlos dahil ang pilit na ibinebenta sa kanilang bookstore ay ang mga dayuhang libro. Galit din ito kay Aling Cora sapagkat isa siyang manunulat na nanalo ng mga gantimpala kahit wala namang kwenta ang mga istorya nito. Pinapasok ni Mang Carlos ang espiritu sa katawan niya ngunit dahil wala siyang puso, sa isang maliit na garapa sa kanyang bulsa lang ito nakulong. Sa kabilang banda, nag-iwan ng babala ang espiritu na hindi mawawala ang sumpa kung kaya’t natapos ang istorya na takot ang lahat at biglang maririnig ang kulog at kidlat.

Dahil pang-Pasko ang pelikulang “Shake Shaker Shakest” at ang pelikulang binasehan nito, ipinipilit ng mga producer na makalikha ng istoryang magugustuhan ng lahat ng klase ng tao. Pinagsasama-sama ang lahat ng uri ng kwento upang makabuo ng palabas na kumpleto sa lahat ng elemento ngunit kulang sa kabuluhan. 

Sa isang love story sa pelikula o palabas sa Pilipinas tulad ng “Asawa ni Marie,” kadalasang sinusunod ang istruktura ng isang fairy tale. Ang bidang si Marie ay isang walang pinag-aralan ngunit magandang babae na nagtatrabaho sa isang hacienda. Naniniwala ang ina nito na pagpapabuntis sa isang mayamang lalake ang solusyon sa kanilang paghihirap. Mayroong kontrabidang babaeng umaapi sa bidang babae dahil siya ang napiling nobya ni Señorito Bogz. Hindi lumalaban si Marie. Nang minsang lunurin siya ni Señorita Avila sa dagat, iniligtas siya ni Poseidon at binigyan ng bagong pangalan na Mharilyn. Sa isang beer garden, magkakagustuhan sila ni Señorito Lapid, ang kapatid ni Señorito Bogz. Maya-maya’y magkikita at mag-iibigan namang muli si Mharilyn at si Señorito Bogz. Sinabi ni Señorita Avila na buntis siya ngunit makalipas ang ilang segundo ay nakunan at biglang nagka-amnesia. Aalagaan siya ni Señorito Bogz at magkakabalikan si Marie at Señorito Lapid, ngunit magkakabalikan si Marie at Señorito Bogz dahil sa mga flashback mula sa isang diary. Ikakasal na ang dalawa ngunit darating si Señorito Lapid at sa kanya sasama si Marie. Sa kabilang banda, may makikita at papakasalan si Señorito Bogz na kamukha ni Marie kung kaya’t masaya pa rin ang pagtatapos ng istorya. 

Masasabing sa aspeto ng paglikha ng palabas, hindi naimpluwensyahan ng mga dayuhan ang mga Pilipino. Sa ibang bansa, gumagastos ang mga tao upang makagawa ng kalidad na mga pelikula. Kakaibang mga istorya at talento ng mga artista ang pinagtutuunang pansin. Pangunahing hangad nila ay ang magkaroon ng parangal ang kanilang likha sa mga prestihiyosong paligsahan. Sa kabilang banda, pagpaparami ng pera ang tanging nagpapaikot sa industriya ng palabas dito sa Pilipinas. Oo nga’t gagastos ng malaki ang mga producer upang mapaganda ang palabas ngunit ang istorya at mga artistang kabilang dito ay hindi pinapalitan. Nagiging cycle ang paggawa ng mga istorya. Kapansin-pansing ang mga Pilipinong manonood o mambabasa ay hindi mahilig sumubok ng bago o kakaiba. Kung titingnan ang historya ng Pilipinas, ipinagmamalaki dati ang mga pelikulang Pilipino. Dahil napansin na kumita ito dati, ito na lang ang patuloy na ginagaya. Isa pang paraan nila ay gumawa ng remake ng mga dayuhang palabas. Ang mga manonood ay nagrereklamo sa lumang estilo ng mga pelikula o palabas ngunit hindi maitatangging mas nangingibabaw ang mga tumatangkilik dito. Sa rami kasi ng problema sa ating bansa, masarap balik-balikan ang nakasanayan at hindi kagulat-gulat na mga pangyayaring napapanood. 

Sa mga kuwentong nakapaloob sa libro, kapansin-pansing nawawalan ng sense ang pagkakaroon ng role model sa mga pinapapanoood sa mga Pilipino. Nagiging inspirasyon ang mga tamad na sumasali sa mga game show dahil basta’t “nakakaawa ang katayuan ko sa buhay…at umiiyak ako ngayon habang habang kausap mo,” hindi kailangan ang kasipagan upang bigyan ng libu-libo. Hinahangaan ang mga maganda, gwapo, mapuputi at maganda ang hubog ng katawan kahit pa ang mga panloob nilang katangian ay taliwas sa panlabas nilang anyo. Walang silbi ang talento. Wala na ang family values. Sabi nga sa libro, “Nilagyan lang ng konting moral lesson ang pelikula para hind imaging ganap na basura.” Kung tutuusin, puro violence ang dulot ng mga action movies dito sa bansa. Sa kwentong “Bala sa Bala…”, tatlong beses nagkaroon ng bugbugan kahit wala namang dahilan—sa tapat ng sari-sari store kung saan mayroong nag-iinuman, sa isang marangyang handaan, at sa warehouse ng mga bandido. Ang mga love stories naman ay puro pagsuway sa magulang at pagkakaroon ng pre-marital sex ang itinuturo sa mga manonood. Bastos na kung sumagot ang mga bata sa mga nakatatanda. 

Laging sinasabi ng mga tao na ipinagmamalaki nila ang pagiging Pilipino ngunit ang pangarap naman ay makarating sa ibang bansa. Makikita rito kung paanong sabik ang mga Pilipino na mapansin sa buong mundo. Sa tingin ng karamihan, ang pag-asenso ay nakasalalay sa maaaring gawin ng mga dayuhan para sa mga mamamayan ng ating bansa.

Basta’t marunong mag-Ingles, itinuturing nang matalino kahit sa kabila nito ay maarteng Taglish ang kadalasang ginagamit sa mga palabas. Dito nakikita ang epekto ng colonialism. Kung dati ay hinahangaan ang matatamis at makahulugang mga salitang Filipino, ngayon ay hindi na binibigyang pansin ang literatura sapagkat puro aesthetics na lamang ng palabas ang importante. Ginagawang bobo ang mga manonood: “hindi kasi kayang i-process ng utak ng mga Pilipino ang wit sa dialogue…kaya kailangang puro pisikal ang patawa.” Kahit mali-mali ang istruktura ng mga pangungusap dahil sinusunod ang kung anumang nauusong lenggwahe, masasabing masyadong malaya ang mga manunulat. Dahil hindi gaano kaaktibo ang pagdidikta kung gaano kahalaga ang edukasyon gamit ang palabas, malayang nalalagyan ng mga producer o director ang bugbugan, sampalan, murahan, lampungan at kung anu-ano pa sa mga palabas kahit hindi naman ito kailangan sa istorya o kahit hindi naman talaga ito kasama sa orihinal na iskrip. 

Kung dati ay ginagamit ang midya upang tuligsain ang mga masama o magtaguyod ng rebolusyon, ngayon ay wala na itong kabuluhan. Takot na maging ang mga producer na kalabanin ang gobyerno o kahit anong patakarang ipinaiiral ng mga nakatataas. Ipinakita ni Bob Ong ang mga bagay na hindi kayang ipamalas sa pelikula o palabas ngunit walang takot na mailalahad sa mga ganitong klaseng libro. Matapang ang manunulat sapagkat hindi niya tunay na pangalan ang kanyang gamit. Ito ang makabagong midya—diretso ngunit dinadaan sa patawa. Sa ganitong uri ng pagbabalita, hindi gaanong seseryosohin ng mga kanyang tinutuligsa ang manunulat. Ito ang makabago at simpleng paraan ng pagpapalaganap na ang bansa natin ay maraming problema na kahit gaano kaliit ay problema pa ring matatawag. Dahil sa mga problemang ito, ang mga isip ng mga Pilipino ay unti-unting binabago ng mga makapangyarihan upang maging sarado at kuntento sa kung ano ang inihahain sa kanila. Masasabing katulad ito ng pananakop ng mga dayuhan—unti-unti ngunit malakas ang epekto.

(written March 2012 for Fil 50 under Prop. Joey Baquiran)

No comments:

Post a Comment