Bago
ako pumasok ng PI 100, ni hindi ko alam na mayroong ikatlong nobelang
sinubukang gawin si Dr. Jose Rizal. Ito ang halimbawa ng napakalaking
kontribusyon ng kursong ito: ang malaman ang lahat-lahat tungkol kay Rizal at
bigyan ng importansya ang mga layunin niya para sa mga Pilipino. Gayunpaman,
walang nagbago sa aking pananaw sa tinaguriang pambansang bayani. Sa totoo
lang, wala namang maituturing na espesyal sa naisulat ni Rizal sa kanyang hindi
tapos na ikatlong nobela kumpara sa Noli
Me Tangere at El Filibusterismo. Sinasabi
kong walang bago rito dahil nga hindi ito kumpleto; kahit ganito, halatang
papunta ang istorya sa mas satirikal ngunit mas matapang na paglalahad ng mga
tunay na kilos at kaugalian ng mga Tagalog noong panahong sinakop ang Pilipinas
ng mga kura. "Kura" ang ginamit kong salita at hindi ang kadalasang
ginagamit na "Espanyol" dahil mula sa aking nabasa, hindi naman
tinuligsa ni Rizal ang Espanya. Hindi niya layuning magseryoso at humingi ng
pansin at tulong sa mga taga-ibang bansa. Kumpara sa mga naunang nobela ni
Rizal, hindi naman reporma ng Pilipinas bilang isang bansa ang tunay na pokus
ng istorya kung hindi reporma ng bawat indibidwal.
Ang
maituturing pang talaga namang kakaiba sa librong ito ay kung sino ang gusto ni
Rizal na magbasa ng kanyang ikatlong nobela. Naniniwala akong ang layunin ni
Dr. Nilo S. Ocampo bilang tagasalin ng Etikang Tagalog ay ang maisakatuparan ang orihinal na layunin ni Jose Rizal: ialay
ito para sa mga Tagalog (o Pilipino) at wala ng iba pa sa wikang alam na alam
natin at siguradong atin. Bonus na lamang kung mayroong mga dayuhan na
makakabasa nito. Nailarawan sa libro ang pagiging mapaniwalain ng mga Tagalog
(na sa aking opinyon ay maaari rin namang gamiting paglalarawan na sa lahat ng
mga Pilipino). Marahil ay gustong sabihin ni Rizal na oo, makapangyarihan ang
kura ngunit hindi ito sapat na dahilan upang maging makitid ang utak ng mga
taong nakapaligid sa kanya. Naniniwala akong hindi gustong insultuhin ni Rizal
ng tuwiran ang kanyang mga kababayan kung kaya naman ang ginamit niyang paraan
ay ang pagpapatawa. Hindi masamang tao si Rizal dahil sa kanyang paunti-unting
pagbatikos sa mga Pilipino; nararapat pa ngang ipagpasalamat ng lahat ang
kanyang nais dahil ginusto lang namang buksan ni Rizal ang mga mata ng mga
Pilipino sa mga simpleng bagay na maaari naman nating baguhin at itama at
walang kinalaman sa pulitika o relihiyon.
Sa
papel na ito, hindi ko lamang nais bigyan ng pansin ang kuwento ng nobela kung
hindi pati na rin ang pagkakalimbag nito. Kinilatis ko maging ang mga larawang
kasama sa libro. Naaliw ako sa mga guhit ni Roberto P. Acosta dahil kung
isasama ang pabalat, nipis, at liit ng libro, maihahalintulad ito sa isang children's storybook, idagdag pa rito
ang maiiksing paghahati-hati ng tagasalin ng mga kabanata. Isa pang nakakaaliw
isipin ay ang katotohanang mas marami pa ang impormasyong makukuha sa
introduksyon ng libro kumpara sa istorya nito dahil nga sa sobrang iksi ng natapos
na manuskrito ni Rizal. Napakamalaman ng kasaysayang isinulat ng tagasalin—pinatunayan
ditong nararapat talagang purihin si Rizal bilang manunulat at walang dudang si
Rizal nga ang sumulat ng Etikang Tagalog.
Base sa paraan ng pagkakalimbag, kahit sinong Pilipino ay hindi mahihirapang
intindihin ang libro.
Para
sa akin, hindi naman kailangang ilagay pa ang orihinal na kopya ng lahat ng
kabanata ng sulat-kamay na manuskrito ng ikatlong nobela ni Rizal dahil hindi
naman din ito malinaw na nababasa. Kung mayroon man akong ikinatuwa rito, iyon
ay kung paano naipakita ang kredibilidad at iba't ibang katangian ni Rizal
bilang lehitimong manunulat: mayroon na agad siyang titulo (maging ito man ay
para sa iisang kabanata lang o para na sa buong libro) at mayroong mga linya,
salita o maging mga mahahabang mga talata na pinapalitan, tinatanggal o
dinadagdagan at ipinagbuti. Kakatwa ring hindi napigilan ni Rizal na gamitin pa
rin ang wikang Espanyol sa pagsulat ng kanyang nobela sa kabila ng idinidiin
niyang pagpapahalaga sa sariling wika. Ang aking mga nabanggit ay mga patunay
na hindi perpekto si Rizal pagdating sa paglikha ng mga kuwento at kagalingan
sa wikang Filipino; ang katotohanang ito ay hindi dapat gamitin upang bumaba
ang tingin ng mga Pilipino sa tinaguriang pambansang bayani ng bansa dahil
larawan lamang ito na siya ay isang totoong tao na nagsikap pa ring makagawa ng
makabuluhang istorya na para pa rin naman sa mga Pilipino.
Sa
unang talata, maganda ang deskripsyon sa bayan ng Pili kung saan naganap ang
nobela. Sa ikawalang talata, ipinakitang sa aspeto ng relihiyon ay nalalaman
ang lahat ng tungkol sa bayan. Sa paglalarawan kay Padre Agaton, puro
mabubuting bagay ang binanggit ngunit ang mga ito ay walang kinalaman sa
nakagisnan nating responsibilidad ng kura (“…nakakababa sa kanyang matayog na
misyon: kailangan isa itong marangyang seremonya...Sa gayon mamamalas siyang
maringal at maharlika”, p. 52). Maihahalintulad ito sa paglalarawan kay Padre
Irene sa unang kabanata ng El
Filibusterismo ni Rizal kung saan walang kinalaman sa kanyang pagiging pari
ang pagsasabing maayos ang kanyang pagkakaahit at iba pang mga binanggit na
puro panlabas na katangian lamang.
Kakaiba
rin ang umpisa ng nobela dahil mayroong malinaw na kontrabida ang istorya
ngunit sa kabilang banda ay walang malinaw na bida. Hindi ko alam kung opinyon
ko lamang ito ngunit kung ang Noli Me
Tangere ay may Crisostomo Ibarra at ang El
Filibusterismo ay may Simoun, babae ang pinakanakakapukaw ng pansin sa Etikang Tagalog: ang itinuturing na
Perlas ng Pili na si Cecilia. Nakalulungkot lamang na ang ideya ni Rizal ng pagiging
satirikal ay ang gamitin ang babaeng tauhan at pagnasaan ito ng mga lalakeng
tauhan. Halimbawa nito ay ang pangungusap na "Dumidinig sila sa misa mayor
dahil sa grandeng katangian nito sa musika, pagbibigkas atbp., at para
masilayan mangyari pa ang mga dalagang sa oras din iyong nagsisimba” (p. 34). Sunod
sa importansya ng binibining ito sa kuwento ay ang kahalagahan ng mga kabataan
at kalalakihan at kung paano umasta ang mga Pilipinong ito noong unang panahon
sa pamamagitan ng paglalarawan ni Rizal ng larong tuktukan nina Silvino at Ape,
at ng labanan sa eleksyon sa pagitan nina Kapitan Panchong at Kapitan Crispin
na maaari rin namang ituring na isang delikado at maruming laro rin lang naman.
Ipinakita naman ang walang kapantay ng pagmamahal ng magulang—partikular na ang
nanay—sa anak sa katauhan ng mag-inang Anday at Felicidad.
Hindi
madali para sa akin ang magbasa ng mga libro ni Rizal dahil hindi ako Katoliko.
Sa kabilang banda, walang duda na napakadetalyadong magsulat ni Rizal kung
kaya't kahit sinong Pilipino ay makakaintindi nito sa kabila ng mga malalim na
salitang ginamit reperensiya sa mga kaugaliang Katoliko. Mayroon lamang mga
paisa-isang mahirap bigyan ng kahulugan tulad ng paglalarawan kay Kapitana
Barang na isang babaeng mataba ngunit mayroong mga mabutong daliri (p. 34).
Marahil ang mga ganitong maliliit na detalye ay naipagbuti sana ni Rizal kung
natapos niya ang kanyang ikatlong nobela.
Nakalulungkot
mang hindi natapos ni Dr. Jose Rizal ang kanyang nobela, hindi ito dapat
panghinayangan. Hindi lang naman ang mga naisulat ng pambansang bayani ang
pruweba ng kanyang kagalingan; ang kalagayan natin ngayon bilang malayang bansa
at mapag-isip na mga tao ay produkto ng naipaglaban ni Rizal bago pa man nadiskubre
ang hindi tapos na ikatlong nobelang ito.
Sanggunian:
Ocampo, Nilo S. tagasalin. 2012. Etikang Tagalog: Ang Di-Tapos na Ikatlong
Nobela ni Rizal. Lungsod Quezon: Lathalaing P.L.
(Submitted in partial fulfillment of the requirements of PI 100 under Prof. Nilo S. Ocampo)
February 2013
No comments:
Post a Comment